NEWSBEAT : Kung si Chief Supt. Leonardo Espina, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang masusunod, tatanggalin na niya ang ilang patok na kanta sa videoke dahil madalas itong pinag-uugatan ng rambulan na nagreresulta ng patayan. Tatlong popular na awitin ang binanggit ni Espina na pinagpapatayan sa mga kasiyahan at kantahan, lalo kung may sintunadong kakanta nito. Ito ay ang ‘My Way’ ni Frank Sinatra, ‘My Love will See You Through’ ni Marco Sison at ‘Green, Green Grass of Home’ ni Tom Jones. Sa tatlong nabanggit, ang ‘My Way’ ang unang kumabig ng taguring ‘killer song’ dahil sa krimeng nililikha nito sa mga kasiyahang madalas ay humahantong sa pasiklaban o pagalingan ng bersyon hanggang sa magkapikunan. Idagdag pa ang lyrics ng kanta na, “and now the end is near” na mistula umanong ‘omen’ ng mga kumakanta nito dahil nagiging mitsa ito ng kanilang kamatayan.
“Sa ngayon itong mga kanta na ‘to ang may pinakamaraming pinagmulan ng gulo, kung pwede nga lang sana tanggalin na sa listahan ng pagpipilian sa mga videoke itong tatlong kanta,” ang natatawang pahayag ni Espina.
Sa datos umano kasi ng NCRPO ay kanilang natukoy na ang tatlong awiting nabanggit ang palaging pinagmumulan ng gulo sa mga videoke, kantahan sa barangay o sa alinmang aliwan sa gabi dito lamang sa NCR ‘di pa kabilang ang sa mga lalawigan. Pero aminado si Espina na mahihirapan mangyari ang kanyang hiling na pagtanggal sa mga awiting ito dahil paborito nga itong kantahin ng mga Pinoy sa pangkalahatan.