ROLDAN CASTRO (HATAW) WRITES : PARANG may frustration ang international actress na si Marife Necesito sa local industry natin dahil mas nabibigyan siya ng break sa ibang bansa kaysa atin. Pero ngayon ay magiging title role na siya sa indie film na Ang Misis ni Meyor, (international title: The corruption of Melba) a film by Archie del Mundo.
“Actually, ang frustration ko ay hindi dahil hindi ako nabibigyan ng title role kundi ‘yung papangakuan ako ng lead role, ipapa-block na ang schedule ko tapos bigla nila akong tatanggalin at papalitan ng sikat. Sa akin kasi, wala silang paninindigan na sabihin sa akin na hindi na ako kukunin. So, naka-block off ka, hindi ka kukuha ng ibang trabaho, aabot ng anim na buwan wala kang trabaho. Ito po ang bread and butter namin at saka ‘yung pagkauhaw mo sa pag-arte, ‘di ba?
“Tapos, minsan pupunta kami sa audition, selected kami tapos hindi ka naman pala paaartehin. Malalaman mo na lang ‘yun na pala ang lead. ‘Yun ‘yung hinanakit mo, eh! Hindi gaya sa international, walang isyu kung sikat ka o walang name kasi papipilahin ka talaga at ‘pag nakuha ka sa audition mo, hindi palakasan,” hinaing pa niya.
Anyway, sa Ang Misis ni Meyor gaganap si Marife sa isang mapaghamong pelikula bilang Melba, ang asawa ng napaslang na lider ng magsasaka na ang sinasabing pumatay ay ang kasalukuyang gobernador. Nagtungo si Marife sa siyudad para humingi ng tulong at muling pabuksan ang kaso ukol sa pagkamatay ng kanyang asawa.
“Actually nang i-offer sa akin ang proyektong ito ‘Ang Misis ni Meyor’ hindi na ako nagdalawang isip dahil sobrang ganda ng istorya, pagsisisihan ko kung hindi ko ito tinanggap. Alam mo naman ako medyo uhaw sa mga ganitong klaseng material,” sey ni Marife.
Ang Misis ni Meyor ang first solo indie film ni Marife, mukhang bubulaga via international ang pelikulang itong kaya ngayon pa lang ay excited na siya and the whole cast kasama sina Angie Ferro, Marco Morales, Julio Diaz, Joem Bascon, Bong Cabrera, Angelina Kanapi, Issa Litton, Jhoy Ortiz, at Ma. Isabel Lopez.
Sep
20
2012