“KUNG BAKIT WALA AKONG VALENTINES” ni Archie del Mundo


Sino bang ayaw ng ka-date tuwing Valentines?  Nakakabuwisit ang traffic. Ang pila kahit saan napakahaba. Lalo na sa mga motel. Ang waiting period, sobrang tagal. Minsan kahit siguro sa lobby, pwede na rin. Kung hindi na makahintay. Sobrang gastos! Mula sa pagkain sa mamahaling kainan. Hanggang sa bayad sa taxi – in and out. At siyempre dagdag pa ang room service. Kung sabagay, pinaghahandaan naman yan. Mula sa pag-iipon hanggang sa mga pabango, regalo, damit, at sandamakmak na kuskos at pamahid sa katawan at mukha.  

Last year, magdamag ko na lang ininom kasama ang iba pang walang ka-valentine. At the end of the night, may kanya-kanya na kaming instant dates. Pagkatapos kanya-kanyang uwi. Wala na ring tawagan pagkatapos. Siguro text text sa umpisa, pero after a few, nakakasawa din. Ang magic sa magdamag, madaling mawala. Ang pag-asa natatalo ng kawalan. Hindi pa rin matatawag na valentines sa akin yun.

Kasi kung magre-rewind ako, ang dahilan ng kawalan ng valentines ay isang matinding back story sa pelikula ng pag-ibig ko. Kapag kasi napagod ang puso, mahirap makabawi ng lakas. Lakas ng loob. Lakas ng isip. Lakas ng katawan.

SHIFTS

Sayo ko i-aadress ito.

Ang narrative pabaliktad. Mula sa huling gabi na magkasama tayo.

Nabunutan ako ng tinik ng mahango ko lahat ng gamit ko pauwi. Ang kama na pinagsaluhan natin iniwan ko, pati ang mga unan na pinaghaluan ng laway, luha, pawis, at iba pang likido sa katawan. Pero ang bedsheet mo nasa akin. Mga tatlong buwan ko lang nagamit pa, tapos wala na. Gula-gulanit na talaga. Ilang buwan pa ulit, ayos na ako. Pwede na ulit akong magtrabaho. Wala na akong ibang iisipin na nakakagulo. History ka na. Kung tutuusin, araw-araw, may binubura ako na alaala mo sa akin. Hanggang sa wala nang natira. Hindi na ikaw ang nakikita ko sa bawat hibla ng bedsheet. Sinulid na lang siya na natatastas. May disenyong kupas. Kulay na mapusyaw. Ang amoy – Tide Ultra na.

Nag-iemail ka pa. Hindi ko na binubuksan. Kelan na lang.

At muli, naalala ko ang mga araw na kinakatakutan kong dumating noon. Noong ikaw ang maunang maghakot ng gamit paalis. Paunti-unti. Araw-araw may bitbit paalis. Nasa apartment ako o wala. May nawawala sa mga gamit mo. Nababawasan. Hanggang sa ang kahuli-hulihang matira ay ang maleta mo. Na sa huling gabi nang pagdating mo ay ginawa kong unan. Para magising ako sa pagdating mo. Para kahit papaano, maawa ka sa sitwasyon ko. Umasa pa rin ako noon, na kahit sa kahuli-hulihang piraso ng relasyon natin, may maisasalba pa. Baka magkaroon pa ng twist. Baka matauhan ka.

Hindi ka dumating.

Dumaan ang mga araw, linggo. Hindi ka bumalik para kuhanin ang maleta.

Hanggang sa ako na ang kailangang umalis. Lumipat ng ibang lugar. Para makahinga. Para makapagbagong buhay. Natural, dala ko ang maleta mo pag-alis ko.

Sa paglipat ko sa San Simon, nakaluwag ako. Nakabangon ako unti-unti. Nakabalik ako sa trabaho. At para lalo akong makabawi, emotionally at financially – nagtrabaho ako ng 18 hours a day. Tulog lang ang pahinga. Pagdating ko sa bahay, wala na akong ibang gagawin kundi matulog sa sobrang pagod. Walang panahong mag-isip o magmukmok.

After six months, tinawagan mo ako.  Finally. Gusto mo magkita tayo. Hindi mo alam kung gaano ako unti-unting nauupos sa paglapit ko sa tagpuan natin. Ano kayang mararamdaman ko pag nagkita tayo ulit. Mahal pa kaya kita? Oo naman. Pero ano ba talaga, kung makikita kita ulit?

Definitely, hindi katulad nang una kang dumating sa bahay. Nung nagpasya tayong magsama for the first time. Walang nababasag na bumbilya. Walang hanging malakas. Walang tumatalon sa dibdib, at nag-uunahang ngiti.

Katulad ng unang gabi na magkatabi tayo sa kama. Dun ka nagrequest na palitan ng bedsheet ang kama. Dahil hindi ka makatulog nang hindi iyon ang gamit mo. Ang bedsheet na every 2 days kailangang labhan. At dahil nga sa dalas ng paglalaba, kumupas ng kumupas at numipis ng husto.

Mula noon. Lagi akong excited umuwi galing sa trabaho. Laging may pasalubong pauwi. Ang pinakamasarap na parte – pag-uwi ko, bukod sa maaliwalas kitang naaabutan – malinis ang kuwarto, may pagkain nang nakaluto. Ikaw pa kadalasan ang naglalaba. Nakuntento ako sa buhay ko mula noon. Iyon ang pinakamaliligayang araw ko.

Kapag nag-aaway tayo – sigurado sa akin lagi nag-umpisa. Hindi tayo magkikibuan maghapon, pero bago tayo makatulog sa gabi – aaluhin mo ako. Ikaw ang bibigay. Ikaw ang gagawa ng paraan. Matutulog at magigising tayo pareho na masaya.

Tatlong taon na ngayong araw na ito. Eksaktong araw nung una tayong magkita.

At simula noon, hindi na tayo naghiwalay.

2 comments on ““KUNG BAKIT WALA AKONG VALENTINES” ni Archie del Mundo

  1. profound illustration of unconditional love yet we tend to taste every moment of it, feeling the spur as the moment satisfation…i felt the same way, looking at the window till somebody in my life disappear with memories left behind..the unwashed underwear left upon request…the earthy smell of it, the holding of few hours of memories…..but nothing that is good last forever……..it’s always been jaclyn jose’s word’s that held us valentineless people…she says: o, ano kumain ka na ba ?…in bland, monotone, emotionless utterance……….

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s