Mga Nilumot Na Alaala Ng EDSA : Lamat Sa Alamat?


Bigla akong napa-HELLO sa aking sarili nang masumpungan ko sa radyo na muli ay ipagdiriwang ang EDSA 1.  Ang tinaguriang PEOPLE’S POWER REVOLUTION noong 1986.  Paano ko naman kaya malilimutan ang panahong iyon ; ang panahong ikinaudlot ng mga maraming pangyayari sa aking buhay?  Bagama’t wala na akong nahihita pang masamang ugong sa aking damdamin tuwing naalala ko ang pangyayaring iyon hindi ko pa rin mapigilang magbalik-tanaw… 

Kasalukuyan akong nagte-taping noon ng ‘BUBBLES&JEREMY’ , isang pre-prog ng EATBULAGA! na noon ay nasa RPN9 pa.  November pa kami nagsimula para sa Marsong pagpapalabas nito.  Kasama ko doon sina Michael de Mesa at Dina Bonnevie.  Sa totoo lang, parang nakinikinita ko nang magkakaroon ng ganuong kaganapan dahil nang magpasyang tumakbo laban kay Marcos ang balo ni Ninoy ; walang pasubaling ito ay nagbadya ng kaguluhan oras na magkabilangan na ng boto at talunan ito.  Ramdam kong hindi nga papayagan ng mga dumaraming nagsisimpatiya kay Cory at nauumay na sa diktadurya ang kaganapang iyon saka-sakali.  Apektado rin kahit papaano ang industriya ng libangan dahil nang sumapit ang pasko ng 1985, paiyakan na sa pagpapalabas ng pera ang mga advertisers.  Marami nang mga industriya rin ang naghapit dahil nabanaagan nila ang maaring kahihinatnan ng “palabas” na eleksyon.

At nangyari nga.  Unti-unting nagkumpulan sa Edsa ang mga tao makaraang matinding naapektuhan sa panawagan ni Cardinal Sin sa Radio Veritas makaraang kulelat sa bilangan si Gng. Aquino.  Hayun at hanggang sa may Chicago St., kung saan ako nakitira sa isang scriptwriter na kaibigan ay umaalingawngaw ang bulungan ng lumalaking grupo ng mga kababayang sumisigaw ng TAMA NA, SOBRA NA!  Napraning ako lalo nang silipin ko ang aking pitaka’t bulsa ay pipiso na lang ang aking pera!  Hindi ko malaman kung ilang beses akong pinanawan ng ulirat sa gutom at nang malaman naming maraming pagkain sa may Camp Aguinaldo at Crame ay lumusong na rin kami sa karagatan ng amoy at mga taong nagkumpol-kumpul doon.  Naalala ko si Rudy Fernandez na namumudmod ng sandwich ; meron ding kalde-kalderong lugaw.  Sa totoo lang , sadya kong minanhid ang aking sarili upang huwag maapektuhan sa mga kaganapang maaring maging dulo ng lahat ng iyon.  Walang tigil ang pagrorosaryo ng mga madre at ilang seminarista na sinusundan ng matinding pagbubuntunghininga habang sabay-sabay na tumitingala sa langit na nirorondahan ng mga helicopter.  Nakiakyat na rin ako sa mga tangkeng naroon sa may kanto ng Ortigas para lang makasinghot na sari-sariwang hangin.  Nadaanan ko pa mismo sa may Santolan ang isang tv na kung saan ay habang nagsasalita si Marcos ay biglang na-off air.  Hiyawan ang mga tao habang ako ay naglakad hanggang Cubao… wala pa ring pera.

Noon na ako napaiyak.  Hindi dahil sa ako’y biglang naging makabayan, kundi dahil natakot akong bigla na hindi na ako makakauwi sa Los Baños kung saan ay naroon ang aking mga kapatid na maari kong masilungan habang walang katiyakan ang aking buhay-Maynila.  Palakad-lakad ako sa may Araneta Center at nagbabasakaling may makasalubong na kakilalang mauutangan o masamahan at mahimasmasan ang nauupos kong pag-asa sa mga pagkakataong iyon.  Nang paakyat sa may Sampaguita Theater, bigla akong napadilat sa aking nakita sa bangketa.  Isang nakangiting Aguinaldo ang naroon. Malutong at bagong-bago. Luminga-linga pa ako bago damputin ; at nang sabihan ng isang aleng napadaan sa  akin na ‘Damputin mo, sa’yo yan!”  Walang pasubaling dinampot ko nga ang nakatiwangwang na bente pesos sabay karipas nang takbo papuntang Aurora.  Walang kahiraphirap na sumakay ng pa-Lawton at doon ay sumabit sa papaalis nang KAPALARAN biyaheng Sta Cruz, Laguna!

At habang ninanamnam ko ngayon ang katiwasayan ng puso at damdamin ; minsan ay ayaw ko nang maalala pa ang lahat dahil sa kabila ng lahat ng pagpupunyagi ng bayang ito, talamak pa rin ang korapsyon at panlilinlang! Ngayon ko rin lalong napagtanto na walang alamat na hindi nilalamat!

Paul H Roquia

By eklavumer Posted in dighay

One comment on “Mga Nilumot Na Alaala Ng EDSA : Lamat Sa Alamat?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s