Kalupitan sa Kapamilya: Pang-aapi sa loob ng ABS-CBN?


image: darius galang

Beteranong cameraman ng ABS-CBN Channel 2 si Jose (tumangging isapubliko ang tunay na ngalan). Mahusay at makaranasan na si Jose sa pagkuha ng bidyo sa maraming programa ng pinakatanyag na estasyon ng telebisyon sa bansa.

Mahigit 20 taon na siyang Kapamilya. Batid niya ang hirap at sakripisyo ng pagiging empleyado ng minamahal na kompanya, kaya isa siya sa naging unang mga miyembro ng unyon sa loob ng ABS-CBN. Pagsapit ng kasalukuyang taon, bumungad ang anunsiyo ng ABS-CBN manedsment na kailangan silang pumirma ng kontrata na tuturing sa kanila na mistulang mga bagong empleyado. Tumanggi siyang pumirma sa isang kontrata na palagay niya’y di-makatarungan.

“Ikaw ba naman na nakapagtrabaho ng higit 20 taon sa Kapamilya, bibigyan lamang ng offer na halos kalahati kumpara sa ibibigay sa isa pa, na nakapagtrabaho pa lamang sa loob ng sampung taon? Ako ang nagturo sa kanya na maging cameraman din, siya mula sa pagiging driver ko,” kuwento ni Jose.

Hindi na niya matuloy ang kuwento. Umalis na lang muna si Jose. “Hindi pa ito alam ng mga anak ko.”

Ganito ang dinaranas ng 25 manggagawa na nasa ilalim ng tinaguriang Internal Job Market (IJM) ng ABS-CBN. Ang IJM ay isang programang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa sa kompanya. Aabot sa 1,400 sa kabuuang 2,700 manggagawa ng ABS-CBN ang nasa IJM o kontraktuwal na mga manggagawa. Dati nang kinuwestiyon ng mga manggagawa ng kompanya ang programang IJM, ngunit kinatigan ng Department of Labor and Employment ang kompanya, at sinabing alinsunod sa Labor Code ito.

Ayon sa kompanya, talento lamang na itinuturing ang kanilang katayuan, at hindi regular sa kompanya. “Simple lang,” paliwanag ni Antonio Perez, video editor sa ABS-CBN, presidente ng unyon at isa sa 25 natanggal sa trabaho. “Necessary and desirable ang positions namin, dapat regular ang posisyon namin,” dagdag rin ng tumatayong presidente ng worker’s union.

Sa isang “Chat With The Chairman” na naisagawa hatinggabi ng Hunyo 17, nagpahayag si Eugenio “Gabby” Lopez III ukol sa nabubuong unyon, maging sa karapatan ng manggagawa nito na magbuo ng unyon. Sabi ni Lopez, na tagapangulo at chief executive officer ng ABS-CBN: “Kung mayroon sa inyo sa IJM na naniniwalang dapat regular employee kayo, go ahead, hindi naman kayo mahihinto doon. Pero from now on, ’yung mga hindi magpipirma ng kontrata, wala nang trabaho.”

Ito ang masalimuot na bagay na pumapalibot sa kanila bilang mangggagawa ng Kapamilya.

Katayuan sa empleyo

“Nasimulan pa lamang ang pagtatatag ng unyon noong Marso 2009,” salaysay ni John Paul Panizales, technical director, VTR man, at unyonista sa naturang estasyon bago maisama sa 25 tinanggal. “For grievance purposes ang lumabas na unang dahilan kaya namin itinatag [ang unyon], para magkaroon kami ng power to bargain. Marami kaming dapat hilingin. Maraming tanong na dapat magkaroon ng kasagutan, laluna sa employer-employee relations.”

Naghanda sila para sa certification of election (CE) noong Nobyembre 2009. “Alam naman ng manedsment na legal ang pagtatatag ng isang unyon,” ani Panizales.

Ngunit nabaligtad ito nang umapela ang ABS-CBN manedsment sa Department of Labor and Management (DOLE). Sa pagsusumite ng unyon para sa petisyon ng kanilang CE, hindi kinilala ng DOLE ang grupo. Hindi raw kasi mga empleyado ng ABS-CBN silang mga bahagi ng IJM. Sa pamamagitan nito, inihayag ng DOLE-National Capitol Region na walang sapat na relasyong employer-employee sa pagitan ng ABS-CBN at ng mga manggagawa nito, at tinuturing lamang sila na “talent.”

DARIUS GALANG/ PINOY WEEKLY ONLINE


2 comments on “Kalupitan sa Kapamilya: Pang-aapi sa loob ng ABS-CBN?

  1. aha! kung totoo man ito, bad move yan for abs.

    pero siyempre, sino naman ang papatol sa isyu na yan? not unless siguro kung tutulungan sila ng kabilang istasyon diba?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s