‘nakatatak na sa puso ko si dingdong’ – marian rivera


Bilang babae, matinding awa ang nararamdaman ni Marian Rivera kay Katrina Halili.
Si Katrina, na kontrabida sa buhay ni Marian noon sa teleseryeng Marimar.
Si Katrina, na minsan na ring naging kontrabida sa totoong buhay ni Marian.
Hindi nga itinanggi ni Marian na nakaalitan niya noon si Katrina. Na ang pagsasama nila sa Marimar ay hindi naging kasingganda sa inaasahan ng lahat.
“Hindi ko naman idini-deny na nagkaproblema talaga kami ni Katrina noon. Pero, nung nagkausap kami, naging okey na kami.
“Pag nagkikita kami sa SOP, nagkukumustahan kami. Kumbaga, kahit nag-away kami sa Marimar noon, naayos din namin ‘yung problema na `yon. Naging okey na okey na kami,” bungad na sabi ni Marian.
Puwedeng sabihin ni Marian na naiintindihan niya ang sitwasyon ni Katrina ngayon. Si Marian ay naging madalas na sentro rin ng mga intriga noon.
Bagamat hindi kasingtindi ng problemang kinasasangkutan ngayon ni Katrina ang naging problema noon ni Marian, masasabi ngang napagdaanan na rin ni Marian ang mga lubak-lubak na kalsada sa buhay niya.
Hindi ba, umabot pa noon si Marian sa matinding pag-iyak, dahil na rin sa pang-aalipusta sa kanya ng ilang tao sa paligid niya.
“Naaawa ako sa kanya (Katrina). Bilang babae, naaawa ako sa kanya dahil sa matinding pinagdaraanan niya ngayon.
“Pero, ayokong manisi ng kung sinu-sinong tao. Wala ako sa position para manisi sa kung sino ang nagpasimula ng problema.
“Pero bilang babae, naaawa talaga ako sa kanya.
“Pero, lagi ko ngang sinasabi, wala namang problema na ibinibigay si God na hindi nabibigyan ng solusyon. Kumbaga, magdasal lang siya para mas maging strong siya.
“Sana lang, mahanap agad niya ang solusyon sa problema niya. Hindi naman siya pababayaan ng Diyos, basta magdasal lang siya.
“Pero, bilib ako sa tapang niya. Kahit alam mong nahihirapan siya, pero lumalaban talaga siya,” sabi ni Marian.
Walang problema kay Marian kung muli niyang makatrabaho si Katrina.

Kung ang pagiging Valentina sa kanya bilang Darna ang makatutulong kay Marian, buong-pusong tatangapin `yon ni Marian.
“Sabi ko nga, okey na kami ni Katrina. Walang problema sa akin kung makatrabaho ko siyang muli,” saad pa ni Marian.
Speaking of Darna, masayang ikinuwento ni Marian na unti-unti ay nasasanay na siyang lumipad.
“Tuloy-tuloy pa rin ang training ko sa paglipad. Medyo nasasanay na ako na naka-harness ako habang nakabitin sa ere.
“Pero, medyo pinalalambot lang nila `yung paglipad ko. Sabi kasi nila, parang masyadong boyish daw ‘yung style ng paglipad ko. Mas gusto nila na gawing babaeng-babae ang style ng paglipad ko.
“Pero ang saya. Nagi-enjoy ako na lumilipad,” kuwento ni Marian.
Handa na rin ba siyang magsuot ng costume ni Darna, na halos labas na labas na ang kaseksihan?
“Before pa naman sinasabi ko na okey lang sa akin `yung costume. Pero siyempre, alam naman ng GMA kung ano ‘yung bagay talaga sa akin.

Sinabi ko rin sa kanila kung ano ‘yung sa tingin ko ay mas okey o mas magiging kumportable ako. Naiintindihan naman nila ako, dahil siyempre mahirap naman ‘yung naka-costume ka na hindi ka kumportable.
“At saka, alam ko naman na hindi ako pagsusuutin ng costume ng GMA na malalagay ako sa alanganin,” pahayag ni Marian.
May napili na bang leading man si Marian sa Darna?
“May naririnig na ako. Pero, wala pa namang sinasabi sa akin ang GMA kung sino talaga ang makaka-partner ko.
“Sabi nila, si Mark Anthony (Fernandez) daw ang magiging leading man ko.”
Okey lang ba sa kanya na si Mark Anthony ang maka-partner niya sa Darna?
“I think, wala naman ako sa position na mamili kung sino ang dapat kong maka-partner. Kung sino ang ibigay sa akin ng GMA, walang problema.
“At saka, okey kami ni Mark. Alam kong mahusay siyang artista,” lahad ni Marian.
Eh, si Mark Herras, balitang makakasama rin niya sa Darna.
“Okey rin sa akin si Mark. Kung ano man `yung naging isyu sa amin noon, wala na `yon. Naayos na ‘yon.
“Pag nagkikita kami ni Mark sa SOP, nag-uusap kami, nagkukumustahan kami,” tugon ni Marian.
Eh, ang bagong babae sa buhay ni Dingdong Dantes sa harap ng kamera, okey rin ba sa kanya?
Anyway, hindi pa nga malinaw kung sino talaga ang magiging leading lady naman ni Dindong sa gagawin niyang teleserye na Stairways To Heaven.
“Actually, may naririnig na rin ako na siya raw ang magiging leading lady ni Dong. Walang problema.
“I think, bagay na bagay sa kanya ‘yung role,” say lang ni Marian.
Wala bang selosan na magaganap?
“Trabaho `yon,” nakangiting sabi ni Marian.
Anyway, sa Black Magic The Denim Show ng JAG, na kung saan ay si Marian, kasama si Will Devaughn, ang mga endorsers, kitang-kita ang kaligayahan sa mukha ng dalaga.
Habang rumarampa nga siya sa entablado, tila lumulutang sa alapaap si Marian, dahil sa sobrang kaligayahan.
Oo nga naman, wala na siyang dahilan para malungkot pa, dahil halos lahat ng hilingin niya ay nasa kanya na. Bukod sa kanyang career na heto nga at mayabong na mayabong pa rin, nandiyan pa ang masayang pag-ibig na patuloy niyang ini-enjoy sa ngayon.
Kuwento ni Marian, bagamat wala silang show ni Dong ngayon sa TV, subsob pa rin sila sa trabaho. Ginagawa nga nila ni Dennis Trillo ang pelikulang Tarot, at nandiyan pa ang iba’t ibang raket na kailangan niyang tapusin.
Ganun din naman daw si Dingdong, na marami ring commitment na tinatapos sa ngayon. Inisa-isa nga ni Marian ang mga trabahong pinupuntahan o ginagawa ni Dingdong araw-araw.
Aba, parang minu-monitor nga ni Marian ang lahat ng lakad ni Dingdong.

Parang tsini-tsek niya ang bawat kilos ni Dingdong.
“Hindi naman checking. Knowing lang…” nakangiting hirit niya.
Sa tono ng pananalita ni Marian, bagamat wala pa ring aminan sa relasyong namamagitan sa kanila ni Dingdong, parang gusto niyang sabihin na ‘unawain’ na lang ang kaligayahan nila ngayon. Kunsabagay, hindi naman isang beses lang nilang ipinaramdam sa lahat ng tao sa paligid nila ang pagmamahal nila ni Dingdong para sa isa’t isa.
At sabi nga, isang pruweba na patuloy na namamalisbis o mas nagiging masagana ang pagmamahalan nila sa isa’t isa ay ang ‘tattoo’ sa kani-kanilang katawan, na sumisimbolo sa pag-iibigan nila.
“Kung ano man `yung tattoo na `yon, or kung ano man `yung nakalagay na `yon sa katawan niya, o sa katawan ko, o sa alinmang bahagi ng katawan namin, sa amin na lang `yon.
“Kung ano man `yon, sa amin na lang `yon,” pangiti-ngiting say niya.
Ayaw ngang sabihin ni Marian kung nasaang bahagi ng katawan niya, o katawan ni Dingdong, nakalagay ang tattoo na `yon.
“Sa amin na lang talaga ‘yon. Pero, kung ano man `yon, siguradong importante `yon sa buhay ko, o sa buhay ni Dong,” sambit pa ni Marian.
Oo nga, tikom man ang bibig ni Marian tungkol sa tattoo na `yon ni Dingdong, o ni Marian mismo, isa lang ang sigurado, at kitang-kita `yon sa kanyang mga ngiti, at maaliwalas na mukha, na nakatatak o naka-tattoo na talaga si Dingdong sa puso niya, at ganun din siya, sa puso ni Dingdong.
Siyanga pala, sa Black Magic The Denim Show na ginawa sa Mall Of Asia nung Biyernes nang gabi, ay aliw na aliw kami kay Marian, sa klase ng pagrampa na ginawa niya.
Bongga talaga si Marian, dahil kahit alam mong siya ang pinakamaliit na rumarampa sa magandang entablado, parang lumalabas na siya ang pinakamatangkad sa lahat, dahil na rin sa proud na proud na paglalakad niya. May kakaibang style nga si Marian sa pagrampa, at pagdi-display ng damit na suot niya.
Sabi ni Marian, masyado siyang na-excite sa pagrampa, at ni katiting ay wala raw siyang naramdamang kaba.
“Nung bata pa kasi ako, ito na `yung ginagawa ko, nagmu-modelo na ako.

So, parang binalikan ko lang ulit, kaya ang saya-saya ko habang lumalakad.
“Hindi ko na ito nagagawa masyado nung nag-showbiz na ako. Kaya nung may ginawang ganito ang JAG, sobrang natuwa ako. Ang sarap ng feeling na nagmu-modelo ka ng damit sa harap ng maraming tao,” say niya.
Aliw na aliw nga si Marian, na habang rumarampa siya sa stage ay walang tigil sa katitili ang mga fans niya na dumayo pa sa MOA, at nakipagsiksikan talaga, masilayan lang ang kagandahan niya.
Makikita nga sa mga larawan na ipinamudmod sa mga manunulat ang pagmamahal ni Marian sa trabaho na una niyang ginawa, ang pagmu-modelo nga.
Ang ganda-ganda ni Marian sa bawat larawan na kinunan pa sa Australia, kasama si Will Devaughn. At hirit ni Marian, masaya rin siya na si Will ang nakapareha niya bilang endorser ng JAG, dahil alam niyang mahusay na modelo, at professional ito.
“Hindi nga lang kami masyadong nakapag-bonding sa Australia, dahil after nung pictorial namin doon, kanya-kanyang shopping na kami,” pangiti-ngiting sabi na lang ni Marian.

dondon sermino/abante online

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s