Vilma Santos, wala pang plano sa mas nasyunal na posisyon


HINDI pa man nagsisimula ang paggunita at pagtatanghal sa ika-25 taon ng pagkakagawa at pagpalalabas ng “Sister Stella L.” sa UP Film Institute Cine Adarna kamakailan ay malakas na ang bulung-bulungan na kakandidatong bise-presidente ng Pilipinas si Vilma Santos.

Kinalakdakad pa ang pangalan ni Bong Revilla bilang isa sa makakalaban ng aktres sa posisyon.

vilmasantos1Kabilang din si Loren Legarda sa mga nagpaparamdam na kung siya ay hindi mabibigyan ng pagkakataon na makatunggali sa pagiging pangulo ng Pilipinas ay sa pagkapangalawang pangulo muli ng bansa siya tatakbo.

Inabangan talaga ng lahat ang pagdating ni Vilma sa UPFI.

At nang bumaba na siya sa kanyang sasakyan ay sinalubong na namin siya nina Lhar Santiago, Morly Alinio at iba pang kinatawan ng midya sa bansa.

Siyempre’y ang tanong ay “kakandidato ka nga bang bise-presidente sa 2010?”

“Wala pa akong balak na kumandidato sa national political position. Wala pang ganyan. Mas nakatutok ako sa aking Batangas,” pahayag ni Vilma.

Pero hindi itinatanggi ng aktres na marami nang nanliligaw sa kanya para tumakbo sa mas mataas na puwesto ng kapangyarihan sa lingkod-bayan.

I don’t deny that I am entertaining proposals and offers pero wala pa akong sinasagutan sa kanila,” sabi ni Santos.

Ang sarap-sarap naman ni Ate Vi, parang nagbabalik sa kanyang pagkadalaga na ang daming naniningalang-pugad.

Ito ang kanyang opisyal na pahayag kung gayon.

Pero ang mga peryodistang pampelikula na sina Gerry Ocampo at Sandy Es. Mariano ay napapatalak. “Napaka-showbiz naman ng kanyang sagot,” sabi ng dalawa.

At pulitikang-pulitika rin. Hindi lang showbiz na showbiz. Hindi lang totoong-totoong buhay na totoong-totoong buhay. Dahil hindi naman hiwalay ang showbiz sa higit na mas malawak na lipunan kundi ito ay malaking koneksyon at bahagi ng ating kamalayan at kabuhayan.

Kung hindi ba naman pulitikal na pulitikal o pulitikang-pulitika ay bakit ibibitin pa tayo ni Vi sa kanyang mga desisyon dahil hindi pa naman ngayon talaga ang opisyal na pagpapahayag ng mga posisyong tatakbuhan ng mga kandidato kundi namumulso pa sila at nakikiramdam.

At ito ay katangian ng isang tunay na buhay, tunay na “positioning.”

Katangian ito ng sikolohiya ng isang tao, ng isang pulitiko, ng isang kandidato, ng isang tagapag-obserba ng pulitika, ng isang tagapayo ng isang pulitiko bago largahan ang kanyang alaga o ng alaga mismo bago siya lumarga.

Titingnan pa kung talagang saan dapat lumaban ang isang pulitiko, ano ang magaganda at di-magagandang tsansa sa tunggalian kumbaga kaya ito ay hindi lang showbiz kundi tunay na buhay rin.

Ano ba naman ang pagkakaiba, di ba?

Kaya kung ako kina Gerry at Sandy, hayaan na lang nila si Vilma na magpasya sa takda ng Comelec na sila ay tatakbo na.

Ngayon ay pulos sapantaha at hinuha muna bagamat maaaring ilang araw o ilang linggo bago ang patay-guhit o deadline ng Comelec ay magsalita na sila hanggang sa opisyal na pagsulat sa aplikasyon sa ahensiya.

Ang mahalaga ngayon ay naihihiwalay na ni Ate Vi ang eskapismo ng kanyang mga papel na ginagampanan sa showbiz at sa tunay na buhay. O may eskapismo rin siyempre sa tunay na buhay.

Naku, sabi ng Star for All Seasons, “wala namang nababago sa ating lipunan hanggang ngayon kaya patuloy ang mga nagaganap sa mga kalye,” pahayag ni Ate Vi.

Nakapagtataka lang kung bakit hindi masabi o sinadyang hindi sabihin ng aktres na “rally” o “kilos-protesta.” Mas maalwan marahil sa kanyang dibdib na sabihing nagaganap sa kalye.

Ang konteksto ng kanyang sinabi ay ang istorya ng “Sister Stella L.” na tungkol sa pagkamulat ng isang madre sa mararahas na katotohanan ng buhay sa ating lipunan kabilang ang kawalang katarungan, kawalang pantay na karapatan sa mga pang-ekonomikong pagkakataon sa bawat indibidwal, kawalan ng pakialamanan, kawalan ng direksiyon, kawalan ng pagmamahal sa kapwa, katiwalian at iba pang suliranin ng bayan.

Kaya lang, nang nasa talakayan na si Ate Vi kasama sina Jose F. Lacaba, ang mandudulang pampelikula ng “Sister Stella L.,” Dr. Roland Tolentino, respetadong kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, Cesar Hernando, production designer ng “Sister…” Mrs. Lily Monteverde, prodyuser ng pelikulang ginugunita, Laurice Guillen, pangalawang aktres at nagbigay-buhay sa papel na Sister Stella B. at Mario A. Hernando, isa pa ring iginagalang na miyembrong ng Manunuri, panay “Ka” na ang patungkol ni Vi sa kanyang masama. Halimbawa’y Ka Cesar, Ka Mario, Ka Pete at iba pa.

Madaling magpalit ng kulay at kamalayan si Ate Vi.

Aminado kung gayon ang bituin na noong unang gawin niya ang pelikula ay hindi niya naintindihan ang ibig sabihin nito kundi ang pag-arte lang ang motibasyon niya.

Gayunman, inamin niyang mula siya sa hirap.

“Wala akong kaalam-alam sa nangyayari no’n. Pero nang kumandidato ako bilang mayor ng Lipa City ay saka ko lang nalaman at naintindihan ang lahat,” wika ng aktres.

Pinatotohanan naman ito ni Lacaba dahil nagkita sila sa kampanya o sa panahon ng kanyang pangangampanya.

Sinabi ng aktres sa panayam sa kanya na kailangang solsuyunan na ang mga problema ng bansa.

Kung sa “Sister Stella L.” ay tigmak ng kawalang-katarungan, sinabi ni Vilma na panahon na para bigyan ng katarungan ang mga wala at mahihina.

Tinanong namin siya sa open forum kung ano ang kanyang puwedeng gawin para malutas ang mga suliranin sa lipunan halimbawa’y kawalang katarungan kahit na siya ay sa isang rehiyunal at lalawigan lang nanunungkulan.

Ito ay segun sa pahayag ni Dr. Tolentino na ang “Sister Stella L.” ay pangungunsiyensiya at hindi na kailangan pang maghintay ng isa pang dalawampu’t limang taon bago matugunan ang mga problemang panlipunan.

“Hindi natin makakamtan ang pagbabago kung mag-isa lang akong kikilos. Dapat ay sama-sama tayong lahat sa ating paglutas sa mga problema. Sa amin sa Batangas, may mga project ako para makapag-ambag ng solusyon sa problema kaya ang kailangan ay pagkakaisa,” pahayag ni Santos.

boy villasanta/pinoy weekly online

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s